BE TRULY SUCCESSFUL
We Give Thanks, In Control, Beautiful Savior, In Christ Alone, Firm Foundation
Sino ang masasabi mong pinaka matagumpay na tao na kilala mo sa isang personal na antas? Ano ang mga palatandaan ng tagumpay sa buhay ng taong ito?
GENESIS 39:2-5 ANG BIBLIA, 2001
2 Ang PANGINOON ay naging kasama ni Jose, at siya’y naging lalaking maunlad. Siya’y nasa bahay ng kanyang among taga-Ehipto. 3 Nakita ng kanyang amo na ang PANGINOON ay kasama niya, at ang lahat ng ginagawa ni Jose ay umuunlad sa kanyang kamay. 4 Kaya’t nakatagpo si Jose ng biyaya sa paningin niya at ginawa niyang kanyang katulong. [a] Ipinamahala niya kay Jose ang bahay niya at ang lahat niyang pag-aari ay inilagay sa kanyang pangangasiwa. 5 Mula nang panahon na si Jose ay pamahalain sa kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pag-aari, pinagpala ng PANGINOON ang bahay ng taga-Ehipto. Ang pagpapala ng PANGINOON ay dumating sa lahat ng kanyang pag-aari, sa bahay at sa parang.
GENESIS 50:20 ANG BIBLIA, 2001
Kayo, kayo’y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan, upang mangyari ang gaya sa araw na ito, upang mapanatiling buháy ang napakaraming tao.
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay na tagumpay at ng tagumpay sa karaniwan? Maraming tao ngayon ang nag-iisip na ang tagumpay ay nangangahulugan ng pagiging mayaman, pagkakaroon ng kapangyarihan, pag-asenso sa karera, posisyon, pagkamit ng katanyagan at kasikatan – ngunit iyan ba ang tunay na tagumpay? Mayroong ilang mga tao na yumaman, sumikat at naging maimpluwensiya na natapos ang buhay sa kalungkutan at kawalang kahulugan. Ipinahayag ni Jesus ang tunay na tagumpay sa pamamagitan ng pagtatanong, “ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?” (Marcos 8:36)
Ang tunay na tagumpay ay ang maging ganap na kung ano ang ninanais ng Diyos para sa iyo at ang gawin ang lahat na ninanais ng Diyos na gawin mo at marinig na sabihin Niya, “Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.” (Mateo 25:23). Hindi lamang kung ano ang iyong nagawa, ngunit ang pagkakabuo ng iyong pagkatao at pagkatapos ng lahat ng mga ito ay natupad mo pa ang LAHAT ng mga bagay na ninanais ng Diyos na gawin mo! Marami sa atin ang nagnanais na magsilbi sa Diyos, ngunit tayo ay nagsisilbi lamang sa Kanya sa sarili nating mga tuntunin at kondisyon. Isang araw ay haharap tayo sa Kanya, at tayo ay umaasang marinig ang Kanyang papuri at pumasok sa Kanyang kagalakan.
Tatlong mahalagang bagay ang nagbubuo ng ating landas patungo sa tagumpay. Tayo ay matuto mula sa buhay ng bata at sikat na katauhan mula sa Bibliya – si Jose (ang anak ni Jakob).
1) ANG PROBLEMA NG TAO
Sa Genesis 37:2, si Jose ay 17 taong gulang pa lamang, nagtatrabaho kasama ng kanyang mga kapatid na lalaki, na nasa isang “dysfunctional na pamilya” Kinamumuhian siya ng kanyang mga kapatid dahil siya ang “paborito” ng kanilang ama. Kulang si Jose ng karunungan – siya ay nanaginip at walang pasubali niyang sinabi ito sa kanyang mga kapatid, na nagdagdag ng gatong sa apoy; siya ay higit nilang kinamuhian! Ninais siyang patayin ng kanyang mga kapatid! Si Jose ay hinubaran ng kanyang mga damit at itinapon sa hukay. Dahil napag-isipan nila na hindi sila makikinabang sa kanyang pagkamatay, ang mga kapatid ay nagpasya na si Jose ay ibenta bilang isang alipin (Genesis 37:26-28).
Kapag nahaharap sa mga problema, maraming mga tao ang bumibitaw o nag-aalinlangan sa kabutihan ng Diyos. Kung nais mong maging matagumpay, dapat ay yakapin mo ang banal na pananaw – posibleng harapin ang mga problema nang may kagalakan, dahil alam natin na ang mga problema ay kapakipakinabang sa atin habang sinasanay tayo ng mga ito sa pagtitiyaga at sa ating pagtitiwala sa Diyos at ito ay nakakabuti sa ating kaluluwa (Santiago 1:2-4, 1 Pedro1:6-7). Napakahalaga ng Teolohiya – ano ba ang alam at pinaniniwalaan natin tungkol sa Diyos? Paano natin tinitingnan ang kamatayan? Paano natin pinoproseso ang mga pansamantala at makamundong problema sa liwanag ng kagalakang mararanasan natin sa kawalang-hanggan? Kapag niyakap natin ang biblikal na pananaw, makikita natin ang mga problema sa bagong liwanag na tutulong sa ating maglayag upang malagpasan ang mga kabiguan at mga pagsubok
2) ANG PRESENSYA NG DIYOS
Si Jose, na dinala sa Ehipto bilang isang alipin, ay binili ng punong tauhan ng Faraon na si Potifar (Genesis 39:1). Ang pagkakaroon ng mga problema ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay wala sa iyong buhay. Sa kabila ng pagiging alipin ni Jose, “ang Panginoon ay naging kasama ni Jose”, at ang lahat ng kanyang ginawa ay umunlad dahil sa presensya ng Panginoon sa kanyang buhay (vv. 2-3). Kahit na sa panahong si Jose ay dinala sa kulungan dahil sa isang krimen na hindi niya ginawa, kasama pa rin niya ang Panginoon (Genesis 39:21). Ang presensya ng Diyos sa atin ay kailangang-kailangan para sa tunay na tagumpay. Naiintindihan ito ni Moises, kaya umapela siya na magkaroon ng presensya ang Diyos na makasama nila sa ilang (Exodo 33:14-15). Ipinangako ni Jesus ang Kanyang presensya (Mateo 28:20).
Ang ipinangakong presensya ng Diyos ay nagreresulta ng kapayapaan at presensya (Mga Hebreo 13:5-6). Sa presensya ng Diyos, mayroong “”kapuspusan ng kagalakan” (Mga Awit 16:11). Tayo ay makakagalaw nang mahusay sa gitna ng kaguluhan kapag tayo ay mulat sa presensya ng Diyos.
Ito ay napakalinaw nang sinubukan ng asawa ni Potiphar na akitin si Jose na mangalunya sa kanya (Genesis 39:7). Nanindigan si Jose, ipinakita ang buong paggalang sa kanyang amo at sa huli, ay hindi ninais na magkasala laban sa Diyos (v. 9). Ang tunay na tagumpay ay ang mabuhay ng isang buhay na kalugod-lugod sa Diyos, kaya si Jose ay tumakbo papalayo sa tukso at kasalanan. Nagalit ang asawa ni Potifar at inakusahan si Jose na nais siyang pagsamantalahan (vv. 11-12) at nagpasiya si Potifar na ikulong si Jose. Ngunit kinapitan ng Diyos si Jose sa gitna ng ganitong nakakadismaya at nakakasakit ng damdaming sitwasyon.
3) ANG PLANO NG DIYOS
Maaaring nahirapang intindihin ni Jose kung bakit nangyayari sa kanya ang lahat ng ito. Sa gitna ng mga pagsubok, kailangan niyang matutuhan ang magtiwala at maniwala na may plano ang Diyos. Sa kulungan, naging matagumpay pa rin si Jose; isang araw ay nakilala niya ang katiwala at panadero ng Faraon. Nalaman nila na si Jose ay marunong magbigay ng kahulugan ng kanilang mga panaginip.”Si Jose, bagaman nasa isang miserableng sitwasyon ay tumulong pa rin sa iba sa pagbigay kahulugan sa kanilang panaginip at pagpalakas ng kanilang loob.” Simple lamang ang hiniling ni Jose sa kanila – na banggitin siya sa Faraon at ilabas siya sa kulungan (Genesis 40:14-15). Ngunit ang plano ng Diyos ay ang manatili siya duon dahil nang ang katiwala ay pinalaya na, nakalimutan niya si Jose!
Mabibigo tayo sa mga tao, ngunit hindi tayo kakalimutan ng Diyos! Hindi dahil magulo ang tao ay magugulo rin ang plano ng Diyos. Pagkaraan ng dalawang taon, nang si Jose ay 30 taong gulang, nanaginip ang Faraon at naghanap ng magbibigay ng kahulugan nito (Genesis 41:1, 8). Naalala bigla ng katiwala si Jose at binanggit niya ito sa Faraon (v. 9). Ito ang nagpalaya kay Jose mula sa kulungan at humarap sa hari. Binigyang kahulugan ni Jose ang panaginip at nagbigay ng karunungan sa Faraon upang maghanda sa darating na taggutom. Hinangaan ng Faraon ang karunungan ni Jose at siya ay binigyan ng mataas na ranggo bilang punong ministro ng Ehipto (v. 39- 40, 46).
Kung ano ang iniisip natin tungkol sa Diyos ang pinakamahalagang bagay tungkol sa atin pagdating ng krisis. Ang tuksong isipin na ang Diyos ay hindi mabuti ay isang bagay na dapat nating labanan at iwasan. Kung nais mong maging tunay na matagumpay ang iyong buhay, maglayag nang wasto sa gitna ng mga problema, yakapin ang presensiya ng Diyos sa gitna man ng pinakamasamang panahon. (Mga Awit 27:13-14), at magtiwala sa plano ng Diyos. Ipinakita ni Jose ang kanyang pananaw – hindi ang kalupitan at pagtataksil ng kanyang mga kapatid ang nagdala sa kanya sa Ehipto – kundi ang dakilang layunin ng Diyos, sapagkat maraming maliligtas sa pamamagitan ng presensiya ni Jose sa Ehipto (Genesis 45:7-9). Iginigiit ni Jose na bagama’t masama ang sadya ng kanyang mga kapatid, ang layunin ng Diyos ay mas higit sa kanila at sinadya Niya ito para sa kabutihan (Genesis 50:20). Gaya nga ng sinabi ng apostol Pablo, maaring gawin ng Diyos ang mga bagay para sa ating ikabubuti (Roma 8:28) kailangan lamang nating magtiwala sa Kanya at ibigin Siya ng lubos!
(Para sa mga lider: Pumili ng mga tanong na nababagay sa antas ng spiritual maturity ng iyong mga members)
1. Ano ang pananaw mo sa tagumpay noon? Paano ito nagbago pagkatapos mong marinig ang mensahe ngayon?
2. Ano ang tamang tugon sa mga problema sa buhay matapos mong pag-isipan at tignan sila sa pananaw ng Diyos?
3.Ikaw ba ay namumuhay nang ayon sa plano ng Diyos? Kung sa tingin mo ay hindi, ano ang kailangan mong gawin o ayusin para iayon ang sarili mo sa Diyos?
Ipanalangin ang mga kakilala mong nagsusumikap na ng husto upang magtagumpay sa relasyon, trabaho, atbp.
Ipaalala sa kanila kung ano ang tunay na tagumpay.
Maging isang halimbawa ng isang naghahanap ng pagsang-ayon mula sa Diyos nang higit sa lahat.
Ibahagi si Jesus sa kanila upang makilala nila Siya bilang Tagapagligtas at Panginoon.
I. Thanksgiving / Pagpapasalamat
• Sambahin ang Diyos kung sino Siya,kung ano ang Kanyang nagawa at gagawin sa ating buhay.
II. Country and the World / Ng Ating Bayan at ng Mundo
• Matuwid at moral na pangangasiwa ng mga manggagawa sa gobyerno; pagsisisi at kaligtasan ng mga lider sa gobyerno at mamamayan para sa Christ-centered na Pilipinas.
• Tulong at pagkalinga ng Diyos para sa mga tao ng Sudan na nahaharap sa karahasan at kaguluhan.
• Ang pagtapos ng digmaan sa Ukraine, mapigilan ang pagkawala ng buhay; huminto ang tensyon sa mga bansa sa Silangang Asya at Gitnang Silangan.
• Patuloy na ipanalangin ang ligtas na pagbabalik ng mga natitirang bihag sa Israel sa kanilang mga pamilya. Ipanalangin na magtapos na ang digmaan ng Israel laban sa mga terorista ayon sa layunin ng Diyos at para sa Kanyang kaluwalhatian.
• Ipanalangin na ang kamakailang kaguluhang pampulitika at panlipunan sa Estados Unidos ay magresulta sa espiritwal na paggising sa simbahan at isang dakilang espiritwal na ani.
III. Church / Ating Simbahan
• Na ang mga miyembro ng CCF ay mabigyang dangal ang Diyos at magpaparami ng mga disciples
• Mga Elders, Pastors, Leaders, at mga Pamilya
• Ang mga ministries, mga church satellites at mga home churches sa buong mundo.
IV. CCF Facilities / Mga Pasilidad ng CCF
• Worship and Training Center
• Prayer Mountain
V. Personal Concerns / Mga Personal na Alalahanin
• Ang paglalim ng ating relasyon sa Diyos.
• Matuwid na pamumuhay
• Ang kaligtasan ng ating mga kapamilya at mga kaibigan.
GENESIS 50:20 ANG BIBLIA,2001
Kayo, kayo’y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan, upang mangyari ang gaya sa araw na ito, upang mapanatiling buháy ang napakaraming tao.