JESUS IS COMING AGAIN, BE READY!
Praise, King Jesus, Hosanna, Cornerstone, We’ll Be Faithful
Nakapanood ka na ba ng pelikulang may kwentong “katapusan-na-ng-mundo”? Gaano ito kapareho o naiiba sa inilalarawan ng Bibliya bilang ang “mga huling araw”?
MATEO 24:1-14 Ang Biblia, 2001
1 Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. 2 Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ay iguguho!” 3 Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?” 4 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! 5 Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. 6 Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba’t ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama’t hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. 7 Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. 8 Ang lahat ng mga ito’y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak. 9 “Pagkatapos ay kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, 10 at dahil dito’y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa’t isa. 11 Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. 12 Lalaganap ang kasamaan, kaya’t manlalamig ang pag-ibig ng marami. 13 Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 14 Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas. “
Alam mo ba na para sa bawat isang propesiya tungkol sa unang pagdating ni Jesus, mayroong walong propesiya tungkol sa Kanyang ikalawang pagdating? Sa 27 na aklat ng Bagong Tipan, 24 na aklat ang nangungusap tungkol sa Ikalawang Pagdating – 300 beses na binanggit sa Bibliya.
Napakahalaga ng paksang ito; makakaapekto ito sa iyong buhay at kinabukasan. Tiyak na muling darating si Jesus, hindi bilang Tagapagligtas darating Siya bilang Hari ng mga Hari, bilang Hukom. Aayusin Niya ang sira sa mundong ito. Itatama Niya ang lahat ng kawalang-katarungan gagawin Niyang bago ang lahat! Nais ng Diyos na maging handa ka!
1) NAIS NG DIYOS NA PROTEKTAHAN TAYO (Mateo 24:1-5)
Ang templo sa Jerusalem ay isang napakagandang istraktura na tumagal ng 80 taon upang maitayo. Ngunit si Jesus ay nagpropesiya na ang mga malalaking bato nito ay mawawasak lahat. Nangyari ito noong 70 A.D. nang wasakin ng Roma ang Jerusalem at ang templo. Ito ang eksaktong katuparan ng propesiyang inilahad ni Jesus noong 30 A.D. Kapag sinabi ni Jesus na may mangyayari, tiyak na magkakatotoo ito (Mateo 24:35).
Ang mga alagad ay lubos na nakakaintindi na may darating na kaharian sa katapusan ng panahong ito; Ang Diyos ay lilikha ng isang bagong langit at isang bagong lupa kung saan ang lahat ng ating mga paghihirap at kalungkutan ay mapapawi. Nais ng Diyos na malaman natin ang katotohanan tungkol sa katapusan ng panahon dahil magkakaroon ng mga gurong bulaan na susubukan na linlangin ang mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapanggap na sila ang Cristo. Nais nilang linlangin maging ang mga hinirang ng Diyos (Mateo 24:24). Ang panlilinlang na ito ay kasinungalingan ni Satanas, at ang labanan ay nagsisimula sa ating isip buhay (Apocalipsis 12:9). Pag-ingatan ang iyong isipan laban sa mga pagdududa tungkol sa kabutihan at pag-ibig ng Diyos. Laging salain ang mga negatibong kaisipan sa pamamagitan ng katotohanan ng Diyos! Kailangan nating malaman ang katotohanan ng Diyos para sa ating proteksyon, kaya naman binalaan tayo ni Jesus; hindi natin alam kung kailan muling darating si Jesus, kaya kailangan nating laging maging handa (Mateo 24:25, 42). Anuman ang gawin nating kasama si Jesus ngayon ay mayroong epekto sa ating kawalang-hanggan (Mateo 24:48-51)!
2) NAIS NG DIYOS NA TAYO AY MAGTIYAGA (Mateo 24:6-14)
May mga tao na nagbigay ng mga maling prediksyon tungkol sa eksaktong petsa ng pagdating ni Jesus. Ang ilan ay ginugugol ang lahat ng kanilang oras sa pag-aaral ng propesiya. Sa kabilang dulo, sinasabi naman ng ilan na hindi na muling darating si Jesus! lwasan ang mga matinding kasinungalingang ito. Mamuhay araw-araw na parang si Jesus ay darating na muli anumang oras ngunit planuhin ang iyong buhay na parang hindi pa Siya darating sa lalong madaling panahon. Huwag pabayaan ang mga responsibilidad, ipagpatuloy ang paggawa ng tama; huwag kang susuko. Mga digmaan, mga salot, mga taggutom sa buong mundo lahat ng ito ay “paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak.” na hahantong sa pagdating na muli ni Jesus. Ngayon, ang mga Kristiyano ay inuusig at pinapatay dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. Marami pa ang naaresto, at sinira ang kanilang mga ari-arian. Ipanalangin ang ating mga kapatid na inuusig sa buong mundo! Magtiis hanggang wakas; maraming Kristiyano ang makakaligtas sa pag-uusig, ngunit kakaunti ang makakaligtas sa kaunlaran. Tayo ay nabubuhay sa mga huling araw; ang mga tao’y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos (2 Timoteo 3:1-4). Ang pinakamapanganib na bagay na maaaring mangyari sa atin ay ang manlamig ang ating puso kay Jesus. Ang kasaganaan ay nagbibigay sa mga tao ng higit na access sa mga bagay na naglalayo sa kanila sa simbahan at sa Diyos.
Ang isang malinaw na palatandaan na ang wakas ay malapit na ay kapag ang ebanghelyo ay naipangangaral sa buong mundo. Ito ay natutupad ngayon, ngunit mayroon pa ring 2 bilyong tao na hindi pa nakarinig ng ebanghelyo. Ang Matinding Kapighatian ang magiging pinakamasamang panahon sa kasaysayan, ngunit ang Diyos ay mamamagitan upang iligtas ang Kanyang mga hinirang (Mateo 24:21-22). Ang buong sansinukob ay maaapektuhan, kaya huwag kang magtaka kapag nagsimula ka nang makakita ng mga palatandaan nito ngayon (Mateo 24:29) Nang dumating si Jesus sa unang pagkakataon, Siya ay dukha, ipinanganak na walang anunsyo maliban sa ilang pastol. Ang Ikalawang Pagparito ni Kristo ay malalaman sa buong mundo at darating na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian (Mateo 24:30-31)! Sa kadakilaan ng mga pangyayari, hindi natin alam kung kailan ang rapture (pag-angat/pag-akyat sa alapaap) ng simbahan. Ngunit malapit nang dumating si Jesus!
3) NAIS NG DIYOS NA MAGING MAINGAT TAYO (Mateo 24:37-39)
Pitong paghahalimbawa ang matatagpuan sa Mateo tungkol sa pagiging handa at maingat (Mateo 24:32-47, 25:1-30):
Ang mga huling araw ay magiging gaya noong mga araw ni Noe (Genesis 5:32, 6:9-10). Tulad ni Noe, ang mga mananampalataya ay tumanggap ng grace o biyaya ng Diyos, at ang mundo ay puno ng kasamaan at karahasan ngayon, tulad noon. Ang Diyos lamang ang may karapatan at kapangyarihang wasakin ang lahat. Ang Diyos ay Diyos, at magagawa Niya ang anumang bagay, ngunit Siya rin ay mabuti at banal. Lahat tayo ay binibigyan ng pagkakataong magbago ngunit huwaghintayin ang bukas para magsisi! Inutusan ng Diyos si Noe na gumawa ng arko na may detalyadong tagubilin (Genesis 6:14-15). Lahat ng bagay sa lupa ay nawasak ng baha, ngunit si Noe at ang kanyang buong pamilya ay naligtas dahil si Noe ay sumunod sa Diyos (Genesis 6:17-18, 7:1, 4-5). Ang Panginoon ang nagsara ng pinto ng arko pagkatapos na si Noe at ang kanyang pamilya, kasama ang mga hayop, ay nasa loob nang lahat (Genesis 7:13, 16). Ang pintuan ng kaligtasan ay nakabukas pa rin ngayon, ngunit isang araw, ito ay isasara.
Maging matalino; marapat lang na ang Diyos ay Diyos, Siya ay mabuti at nagbibigay ng gantimpala sa mga naghahanap sa Kanya. Ang tunay na pananampalataya ay pagsunod; si Noe ay nanampalataya at agad na kumilos (Hebreo 11:6-7). Isinasaalang-alang ng isang matalinong tao hindi lamang ang kanyang kaligtasan kundi ang kaligtasan ng kanyang pamilya. Kumusta ang relasyon ng iyong pamilya kay Cristo? Hindi naniwala ang mga tao kay Noe tungkol sa darating na paghuhukom. May mga tao ngayon na makakarinig tungkol sa ikalawang pagparito ni Jesus ngunit wala silang gagawin tungkol dito. Lumapit kay Cristo ngayon. Nakabukas pa rin ang pintuan ng kaligtasan, ngunit sa madaling panahon ay magiging huli na ang lahat para sa mga ayaw magsisi (2 Pedro 2:5, 3:3-4). Nais ng Diyos na lahat tayo ay nasa loob ng “arko” — iisa lamang ang pintuan sa kaligtasan, si Jesus. Hindi natin alam kung kailan muling darating si Jesus, ngunit dapat nating ipangaral ang salita sa pamamagitan ng ating mga pananalita at sa pamamagitan ng ating buhay (2 Timoteo 4:1-2). Si Jesus ay darating na muli sa lalong madaling panahon! Maging handa!
(Para sa mga lider: Pumili ng mga tanong na nababagay sa antas ng spiritual maturity ng iyong mga members)
1. Paano natin maproprotrotektahan ang ating sarili laban sa mga maling turo tungkol sa pagbabalik ni Jesus?
2. Bakit natin kinakailangang matutong magtiyaga?
3. Ano ang ibig sabihin ng pagiging masinop?
Ipanalangin ang hindi bababa sa sampung tao na hindi pa nakakakilala kay Jesus bilang Tagapagligtas, Panginoon, at ang darating na Hukom.
Sumunod sa Diyos at ipangaral ang gospel o ebanghelyo sa pamamagitan ng iyong mga pagpapatotoo at mga gawa sa kanila.
Ibahagi kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katapusan ng panahon at anyayahan silang mas makilala si Jesus at ang Bibliya kasama mo.
I. Thanksgiving
• Sambahin ang Diyos kung sino Siya,kung ano ang Kanyang nagawa at gagawin sa ating buhay.
II. Country and the World
• Matuwid at moral na pangangasiwa ng mga manggagawa sa gobyerno; pagsisisi at kaligtasan ng mga lider sa gobyerno at mamamayan para sa Christ-centered na Pilipinas.
• Para sa mga komunidad na nasalanta ng bagyo na makabangon sa aspeto ng ekonomiya at maibalik ang kanilang espirituwal na kalagayan.
• Matapos ang digmaan sa Ukraine, na maiwasan ang pagkawala ng buhay; ang tensyon sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas ay mapayapang malutas.
• Patuloy na ipanalangin ang ligtas na pagbabalik ng mga natitirang bihag sa Israel sa kanilang mga pamilya. Ipanalangin na magtapos na ang digmaan ng Israel laban sa mga terorista ayon sa layunin ng Diyos at para sa Kanyang kaluwalhatian.
• Para sa kinalabasan ng eleksyon sa US na magbukas ng daan para sa espirituwal na paggising sa simbahan at isang malaking espirituwal na ani.
III. Church
• Na ang mga miyembro ng CCF ay mabigyang dangal ang Diyos at magpaparami ng mga disciples,
• Mga Elders, Pastors, Leaders, at mga Pamilya
• Ang mga ministries, mga church satellites at mga home churches sa buong mundo.
IV. CCF Facilities
• Worship at Training Center
• Prayer Mountain
V. Personal Concerns
• Ang paglalim ng ating relasyon sa Diyos.
• Matuwid na pamumuhay
• Ang kaligtasan ng ating mga kapamilya at mga kaibigan
Mateo 24:14 Ang Biblia 2001
“Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas. “