2024-10-Web

KNOW GOD THROUGH ISRAEL & PROPHECY

NOV 17, 2024

Worship

One God, Prepare the Way of the Lord, Blessed Assurance, Anastasis, How Great is Our God

Welcome

Nasusubaybayan mo ba kamakailan ang mga balita tungkol sa Israel? Bakit o bakit hindi?

Word

EZEKIEL 39:1-8

(BASAHIN ANG BUONG KABANATA 39 PARA SA KONTEKSTO)_Ang Biblia, 2001

“At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, ako’y laban sa iyo, O Gog, pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal: 2 Aking paiikutin at itataboy kita, at paaahunin kita mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel. 3 Pagkatapos ay sisirain ko ang busog sa iyong kaliwang kamay, at aking ihuhulog ang iyong pana mula sa iyong kanang kamay.4 Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo. Ibibigay kita sa mga ibong mandaragit na iba’t ibang uri, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka. 5 Ikaw ay mabubuwal sa kaparangan; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong DIYOS. 6 Ako’y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa mga naninirahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. 7 “Ang aking banal na pangalan ay ipapakilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko papahintulutang lapastanganin pa ang aking banal na pangalan, at malalaman ng mga bansa na ako ang PANGINOON, ang Banal sa Israel. 8 Narito, dumarating at mangyayari, sabi ng Panginoong DIYOS. Ito ang araw na aking sinalita.

ANG PAMUMUHAY SA MGA HULING PANAHON ay ang bago nating serye ng mga mensahe tuwing Linggo tungkol sa mga propesiya sa Bibliya. Ipinahayag ng Diyos na Siya ang simula at ang wakas, na wala nang ibang katulad Niya, at Siya ang may kontrol sa mga kaganapan sa mundo. Bakit natin kailangang pag-aralan ang mga propesiya? Pinapatunayan nito ang maraming bagay: kung sino ang Diyos, na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, na ang Bibliya ay maaasahan o mapagkakatiwalaan, at iba pa. Ito ay nagbibigay-daan upang tayo’y lumago sa ating pananampalataya at ihanda tayo para sa walang hanggan. Bakit kailangang pag-aralan ang mga propesiya tungkol sa Israel? Ang Israel ang sentro ng talaorasan o timetable ng Diyos! Ang Jerusalem (na kumakatawan sa Israel) ay palaging magiging ulo ng mga balita (Zacarias 12:2-3). Kapag sinabi ng Diyos ang isang bagay, gagawin Niya ito, mangyayari, at tiyak na matutupad. Tingnan natin ang kahalagahan ng ISRAEL sa plano ng Diyos at ang mga propesiya na konektado rito.

1) ANG BIYAYA NG DIYOS (Ang pagkakatatag ng Israel bilang isang bansa)

 

Gumawa ang Diyos ng isang unilateral na tipan kay Abram (Abraham), ang ninuno ng Israel (Genesis 12:1-3). Hindi kailangang itaguyod ng Diyos ang Israel, ngunit dahil sa Kanyang grace o biyaya, gumawa Siya ng tipan na pagpapalain ang mga magpapala sa kanila at susumpain ang mga susumpa sa kanila. Ang layunin ng Diyos ay pagpalain ang buong mundo sa pamamagitan ng Israel. Ipinangako ng Diyos na ang Mesiyas ay magmumula sa lahi ni Abraham; pagpapalain ang buong mundo sa pamamagitan ng mga Hudyo. Bagamat wala pa silang .03% ng kabuuang populasyon ng mundo, higit sa 22% ng mga nanalo na ng Nobel Prize ay Hudyo! Ang Google, Waze, pacemakers, bakuna laban sa polio at kolera, USB sticks – lahat ng ito ay imbensyon ng mga Hudyo. Tunay nga, na sila ay naging pagpapala sa buong mundo!

 

Hindi pinili ng Diyos ang Israel dahil sa kanilang damı – kundi dahil pinili sila ng Diyos na mahalin nang hindi kondisyonal (Deuteronomio 7:7-8). Ito ay GRACE na ipinagkaloob sa kanila – hindi dahil sa anumang iba pang dahilan kundi ang pagpili ng Diyos na ibuhos ang Kanyang pagmamahal sa kanila. Ang dakilang biyayang ito ay umaabot din sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus (Efeso 1:4-7). Tayo’y ginawang bahagi ng Kanyang pamilya dahil sa Kanyang dakilang kabutihan at pagmamahal – sa pamamagitan ni Jesus, mayroon tayong katubusan at kapatawaran. Kapag tiningnan natin ang mga Hudyo, nakikita natin ang biyaya ng Diyos para sa kanila at para rin sa atin.

 

Ipinangako rin ng Diyos sa mga Hudyo ang isang lupain. Sa Genesis 15:7-8, ipinangako ng Diyos kay Abraham ang isang lupain. Sa panahong iyon, ang lupain ay nasasakupan ng iba’t ibang grupo ng tao. Inihayag ng Diyos na ang mga lipi ni Abraham ay magiging mga alipin sa isang dayuhang lupain sa loob ng 400 taon (sa Ehipto), at sila’y lalabas na may maraming ari-arian (Genesis 15:13-14). Ang mga Amoreo ay isa sa mga grupo ng tao na mapapaalis kapag ang bayan ng Diyos ay pumasok sa Lupang Pangako (Genesis 15:15-16). Binigyan ng Diyos ang mga Amoreo ng 400 taon upang magsisi habang ang Israel ay nasa Ehipto! Ang Levitico 18:20-24 at Deuteronomio 18:9-11 ay naglilista ng mga kasalanan ng mga Amoreo at ng iba pang mga bansa (pagsamba sa diyus-diyosan, pangangalunya, paghahandog ng bata, homoseksuwalidad, pakikipagtalik sa hayop, pangkukulam, at iba pa). Ang lupaing iyon ay ibinigay sa Israel dahil lamang sa biyaya ng Diyos – mula sa Ilog Nilo hanggang sa Ilog Eufrates (Genesis 15:18).

2) KATAPATAN NG DIYOS (Ang pagkakahiwa-hiwalay at muling pagtitipon ng Israel)

 

Kapag sinabi nating ang Diyos ay TAPAT, nangangahulugan ito na TINUTUPAD NIYA ANG KANYANG SALITA. Sinabi ng Diyos na kung tutularan ng Israel ang mga makasalanang gawain ng ibang mga bansa at piliing huwag sundin ang Kanyang mga utos, ikakalat Niya sila (Deuteronomio 4:25-27). Ang Diyos ay tapat at tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako. Pinaninindigan Niya ang Kanyang salita, kahit pa ito’y nangangahulugan ng pagdidisiplina sa atin. Ang disiplina ay laging masakit, ngunit ito rin ay nagdudulot ng pagtubos (Hebreo 12:5-6). Dinisiplina ng Diyos ang Kanyang bayan upang matutunan nila ang kahalagahan ng pamumuhay ayon sa mga utos ng Diyos. Sa gitna ng pagkakahiwa-hiwalay at pagkatalo ng Israel, layunin ng Diyos na makilala ng mundo ang Panginoon (Ezekiel 12:15-16). Ipinangako ng Diyos na ikakalat at didisiplinahin ang Israel, ngunit ipinangako rin Niya na sa pamamagitan ng Israel, makikilala Siya ng buong mundo. Ipinangako Niya na pagkatapos ng kanilang kahihiyan, muli Niya silang “titipunin” sa kanilang lupain (Ezekiel 36:22-24)! Ang kasaysayan ay nagpapatunay na ang katapatan ng Diyos ang siyang nag-ingat sa mga Hudyo sa kabila ng maraming tangkang paglipol sa kanila

 

  • 2000 BC – Tinawag ng DIYOS si Abraham upang pumasok sa Lupang Pangako
  • 1240 BC – Pinamunuan ni HOSUE ang mga Israelita papuntang Lupang Pangako
  • 1040 BC – ang ISRAEL sa ilalim ng paghahari nina Saul, David, Solomon
  • 990 BC – Nahati ang kaharian
  • 722 BC – Bumagsak ang Hilagang Kaharian sa kamay ng Asirya – Ikinalat
  • 586 BC – Bumagsak ang Katimugang Kaharian sa kamay ng Babilonya – Ikinalat
  • 70 AD – Winasak ng mga Romano ang templo sa Jerusalem matapos ang paghihimagsik ng mga Hudyo.
  • 135 AD – Pinalitan ng mga Romano ang Pangalan ng Judea bilang “Palestina” matapos ang paghihimagsik ng natitirang mga Hudyo. Sila ay ipinatapon at ipinagbabawal na mamuhay sa Jerusalem.

 

Sa loob ng 2,000 taon, nawalan ng kapangyarihan at kontrol ang Israel habang iba’t ibang mga imperyo ang sumakop sa lupaing iyon – mga imperyo ng Asiryo, Babilonyo, Medo-Persiano, Griyego, Romano, Muslim, Ottoman, at British. Ngunit tiniyak ng Panginoon ang Kanyang pangako ng pag-iingat at pagpapanumbalik ng Israel. Paano kaya ang isang bansang nawalan ng lupain ay muling magbabalik? Anuman ang sinabi ng Diyos, dahil Siya ay tapat, tiyak na gagawin Niya! Noong Mayo 14, 1948, kinilala ang Israel bilang isang bansa. Tulad ng naipropesiya, ang disyertong lupain ng Israel ay kalaunan na napalago at naging masagana (Ezekiel 36:34-35). Ang Israel ngayon ay nag-e-export ng mga prutas at gulay sa Europa at sa buong mundo, sa kabila ng pagiging hindi mainam na sakahan ng Gitnang Silangan!

3) SOBERANYA NG DIYOS (Ang Israel ay inatake at iniligtas)

Ang soberanya ng Diyos ay nangangahulugang ang Kanyang pinakamataas na kontrol ay magwawagi – kahit na ang Israel ay nanganganib. Nagbibigay babala rin ang Diyos sa mga kalapit-bansa ng Israel laban sa pag-atake sa Kanyang bayan (Ezekiel 38:1-6). Ang Iraq at Ehipto ay mga bansang naipropesiya na hindi aattake sa Israel (Isaias 19:24-25). Ang unang bansang Arabo na nakipagkasunduan ng kapayapaan sa Israel ay ang Ehipto! Sa mga huling araw, ang Israel, “na sentro ng daigdig”, ay aatakihin upang ” kumuha ng samsam at magdala ng nakaw” (Ezekiel 38:12). Makikialam ang Diyos sa Kanyang galit laban sa kaaway ng Israel (Ezekiel 38:18, 22-23). Titingin ang buong sambayanan ng Israel kay Jesus sa araw ng paghahatol, at ipagtatanggol Niya sila (Zacarias 12:8-10, 14:12). Inilarawan ng 2 Pedro 3:10-13 ang isang pagkawasak mula sa Diyos dulot ng isang digmaan. Habang naghihintay tayo sa wakas, kailangan nating mamuhay ng banal na ayon sa kabanalan ng Diyos. Hindi ibig ng Diyos na ang sinuman ay mapahamak, kundi ANG LAHAT AY DUMATING SA PAGSISI (2 Pedro 3:9). Tanggapin ang Kanyang pagmamahal at biyaya at sundin ang Kanyang mga Salita!

DISCUSSION QUESTIONS

(Para sa mga lider: Pumili ng mga tanong na nababagay sa antas ng spiritual maturity ng iyong mga members)

1.⁠ ⁠Ano ang matututuhan mo tungkol sa Diyos kapag pinag-aralan mo ang propesiya?

2.⁠ ⁠⁠Sa anong mga paraan mo naranasan ang biyaya, katapatan, soberanya ng Diyos?

3. Ano ang dapat mong baguhin sa iyong buhay bilang tugon sa katotohanang tayo ay nabubuhay sa mga huling araw?

Works
PRAY CARE SHARE IN ACTION

Ipanalangin ang bayan at mga mamamayan ng Israel na maging matandain sa kung ano ang ipinangako at naipropesiya ng Diyos tungkol sa kanila sa Bibliya.

Maging pagpapala sa mga Hudyo — ipagdasal sila at gumawa ng kabutihan para sa kanila sa anumang paraan na pinahintulutan ka ng Diyos.

Ibigay ang iyong buhay bilang isang saksi ni Jesus, ang Mesiyas para sa lahat ng tao.

WEEKLY PRAYER POINTS

I. Thanksgiving

• Sambahin ang Diyos kung sino Siya,kung ano ang Kanyang nagawa at gagawin sa ating buhay.

II. Country and the World

• Matuwid at moral na pangangasiwa ng mga manggagawa sa gobyerno; pagsisisi at kaligtasan ng mga lider sa gobyerno at mamamayan para sa Christ-centered na Pilipinas.

• Tulong at pagkalinga ng Diyos para sa mga tao ng Sudan na nahaharap sa karahasan at kaguluhan.

• Ang pagtapos ng digmaan sa Ukraine, mapigilan ang pagkawala ng buhay; huminto ang tensyon sa mga bansa sa Silangang Asya at Gitnang Silangan.

• Patuloy na ipanalangin ang ligtas na pagbabalik ng mga natitirang bihag sa Israel sa kanilang mga pamilya. Ipanalangin na magtapos na ang digmaan ng Israel laban sa mga terorista ayon sa layunin ng Diyos at para sa Kanyang kaluwalhatian.

• Ipanalangin na ang kamakailang kaguluhang pampulitika at panlipunan sa Estados Unidos ay magresulta sa espiritwal na paggising sa simbahan at isang dakilang espiritwal na pag- ani

III. Church

• Na ang mga miyembro ng CCF ay mabigyang dangal ang Diyos at magpaparami ng mga disciples,

• Mga Elders, Pastors, Leaders, at mga Pamilya

• Ang mga ministries, mga church satellites at mga home churches sa buong mundo.

IV. CCF Facilities

• Worship at Training Center

• Prayer Mountain

V. Personal Concerns

• Ang paglalim ng ating relasyon sa Diyos.

• Matuwid na pamumuhay

• Ang kaligtasan ng ating mga kapamilya at mga kaibigan

Memory verse

Ezekiel 39:7_Ang Biblia, 2001

“Ang aking banal na pangalan ay ipapakilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko papahintulutang lapastanganin pa ang aking banal na pangalan, at malalaman ng mga bansa na ako ang PANGINOON, ang Banal sa Israel.”

menu