2024-10-Web

SEEK GOD TODAY!

OCT 20, 2024

Worship

Lord Of All Creation, Know His Love, Here In Your Presence, Even (I’ll Still Praise), Christ Is Enough

Welcome

Ano ang hinanap mo dati na inakala mong magbibigay sa’yo ng kaligayahan noong mas bata ka pa?

Word

2 CRONICA 34:1-3
_ANG BIBLIA, 2001

Si Josias ay walong taong gulang nang siya’y nagsimulang maghari; at siya’y naghari ng tatlumpu’t isang taon sa Jerusalem. 2 Kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa mga landas ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa. 3 Sapagkat sa ikawalong taon ng kanyang paghahari, samantalang siya’y bata pa, kanyang pinasimulang hanapin ang Diyos ni David na kanyang ninuno. At sa ikalabindalawang taon ay kanyang pinasimulang linisin ang Juda at Jerusalem sa matataas na dako, mga sagradong poste, mga larawang inukit, at mga larawang hinulma.

JEREMIAS 29:13
_ANG BIBLIA, 2001

Hahanapin ninyo Ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo Ako nang inyong buong puso

JEREMIAS 7:23
_ANG BIBLIA, 2001

Kundi ito ang ipinag-utos Ko sa kanila, ‘Sundin ninyo ang Aking tinig, at Ako’y magiging inyong Diyos, at kayo’y magiging Aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos Ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo.’

Naging hari si Josias noong siya ay 8 taong gulang. Tatlumpo’t isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang lolong si Manases ay napakasama (2 Cronica 33:1-2). Ang kanyang ama na si Amon ay gumawa rin ng masama sa paningin ng PANGINOON (2 Cronica 33:21-22). Ginawa ni Haring Josias ang matuwid sa paningin ng PANGINOON (2 Cronica 34:2). Siya ay naging iba sa kanyang lolo at ama; hinanap niya ang Diyos (2 Cronica 34:3). Saan tumanggap ng makadios na impluwensya ang kabataang si Josias? Ang mga propeta ng Diyos gaya ni Jeremias (na naglingkod noong panahon ni Josias) ay maaaring nangusap sa buhay ni Haring Josias (Jeremias 29:13). Dapat natin Siyang hanapin nang buong puso, at ginawa nga ng batang haring si Josias.

GET RID OF IDOLS
ALISIN MO ANG MGA DIYUS-DIYOSAN (2 Cronica 34:1-8)

 

Si Josias ay 8 taong gulang nang siya ay naging hari (2 Hari 22:1, 2 Cronica 34:1). Sa ikawalong taon ng kanyang paghahari (nang siya’y 16 na taong gulang), nagsimula siyang hanapin ang Diyos (2 Cronica 34:3). Sa ikalabindalawang taon (nang siya’y 20 taong gulang), sinimulan niyang linisin ang Juda at Jerusalem sa matataas na dako, mga sagradong poste o Ashera, mga larawang inukit, at mga larawang hinulma. (2 Cronica 34:3).

 

Hindi naman nito sinabi na agad niyang tinanggal ang mga diyus-diyosan. Ang buhay Kristiyano ay isang paglalakbay o proseso. Tinanggap tayo ng Diyos kung ano tayo at sinimulang kumilos sa ating buhay. Habang may itinuturo sa atin ang Diyos, tumutugon tayo sa pagsunod. Noong bata pa si Josias, hindi alam ni Josias ang lahat ng kasamaang nangyayari sa lupain ngunit nang nagka-edad na siya at napagtanto na marami silang mga diyusdiyosan, sinimulan niyang alisin ang mga ito.

 

Sinabi pa rin ng Diyos na si Josias ay isang mabuting hari. Hindi Niya sinisisi si Josias nang hindi niya inalis ang mga diyus-diyosan noong siya ay 8, o 16 taong gulang. Ang Diyos sa Kanyang karunungan at kapangyarihan ay lubos tayong kilala kaya nauunawaan Niya na kung minsan ay hindi natin alam na mayroon tayong diyus-diyosan. Kailangan ng panahon habang tayo’y natututo at lumalago upang maintindihan na may mga bagay sa ating buhay na hindi gusto ng Diyos.

 

Inakala ng mga tao na si Baal (diyos ng araw at ulan) at si Ashera (diyosa ng buwan at pagbubuntis) ang pinagmumulan ng kasaganaan, tagumpay, kaginhawahan, at siguridad sa buhay (v.4). Sa pag-alis ni Josias ng mga diyus-diyosan, nalaman ng mga tao na ito’y mga maling puntahan upang hanapin ang mga bagay na iyon. Tuluyan niyang inalis ang mga ito (v.5, 7). Kinamumuhian ng Diyos ang mga diyus-diyosan; nagiging bitag sila sa atin na nagpapabigat sa ating buhay (Awit 106:36). Sila ay walang kabuluhan (Jeremias 2:5)!

 

Pagkatapos nito, binigyan ng Diyos si Josias ng bagong misyon (v.8). Noong inaayos nila ang templo, binigyan sila ng Diyos ng pinakadakilang regalo. Kapag inalis natin ang mga diyus-diyosan ito ay nagbubukas sa ating buhay upang makatanggap ng mga bagay mula sa Diyos na hindi natin maisip. Natagpuan nila ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon na ibinigay ni Moises. Si Josias ay 26 taong gulang nang mangyari iyon.

 

Katotohanan: Ang tunay na buhay at kagalakan ay matatagpuan sa tamang kaayusan ng ating buhay, na ang Diyos ang nasa sentro.
Pagsasabuhay: Magpasakop at alisin ang anumang makabagong diyus-diyosan .

OBEY HIS WORD
SUMUNOD SA KANYANG SALITA ( 2 Cronica 34:19-21, 24-33)

 

Nang marinig ni Josias mula sa kautusan ng Diyos kung ano ang dapat nilang gawin (na hindi nila nabasa nang maraming taon), naintindihan niya kung gaano sila sumuway sa Diyos (vv.19-21). Nagkaroon ng pagsisisi at pagpipitagan. Magkaroon ng banal na takot sa Panginoon (vv.24-25). Kung hindi natin aalisin ang mga diyus-diyosan, mayroong paghuhusga.

 

Ang Diyos ay nagpakita ng kabaitan kay Haring Josias (vv.26-28) na may pangako ng kapayapaan sa kanyang henerasyon.

 

Ang Salita ng Diyos ang susi sa pagsunod (Deuteronomio 17:18-20). Sinabi ng Diyos sa kanila kung paano maging mabuting hari sa pamamagitan ng Kanyang salita. Para sa ating lahat, nais ng Diyos na tayo ay maging mabubuting anak ng Hari sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang salita; Binabago tayo ng salita ng Diyos.

 

Binasa ng hari ang lahat ng Aklat sa mga tao (vv.29-30) at nakipagtipan siya sa Diyos na lumakad sa unahan Niya, at sumunod sa Kanyang salita nang buong puso at kaluluwa (v.31). Ang lahat ng naroon ay gumawa nang ayon sa tipan (vv.32-33). Sa buong buhay ni Josias, hindi sila tumalikod sa pagsunod sa Panginoon. Ito ay nagmistulang isang oasis o panubigan sa disyerto. Sa pagitan ng masasamang hari, isang mabuting hari ang nagpabago habang-buhay. Magagawa natin ito sa ating henerasyon!

 

Katotohanan: Nasa Diyos ang Kanyang mga kautusan para sa iyong proteksyon at pangmatagalang kagalakan.
Pagsasabuhay: Huwag patagalin. Sumunod kaagad upang maranasan ang kagalakan hanggang sa kahulihulihan.

DEPEND ON HIM
UMASA SA KANYA (2 Cronica 35:18)

 

Nang matagpuan nila ang salita ng Diyos, ipinagdiwang nila ang Paskuwa (2 Cronica 35:18). Ang Paskuwa ay isang bagay na nasa kautusan na dapat nilang gawin. Agad na nakipagtipan si Haring Josias at pagkatapos ay ipinagdiwang niya ang Paskuwa. Wala pang Paskuwa na tulad nito mula pa noong panahon ni Samuel. Nagkaroon ng pagdiriwang na hindi gaya ng iba, bago pa man pinahintulutan ng Diyos na masakop ang Juda. Pinili ng isang hari na maging iba sa kanyang ama at lolo. Inilagay niya sa kanyang puso na alisin ang mga diyus-diyosan at sumunod.

 

Ang pista ng Paskuwa ay nagpapaalala sa mga Judio na hindi nila maililigtas ang kanilang sarili. Kailangan nila ang Diyos. Kailangan nila ang dugo ng kordero. Si Jesus ang ating Passover Lamb o Kordero ng ating Paskuwa (1 Corinto 5:7b). Hindi natin masisimulang tanggalin ang mga diyus-diyosan o sundin ang Diyos maliban kung maranasan muna natin si Jesus bilang ating Kordero ng Paskuwa (Roma 6:23, Juan 3:16). Ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, kay Cristo lamang. Hindi tayo nagdaragdag o nag-aalis mula rito.

 

Ang paggawa ng mabubuting bagay ay mahalaga; tinawag tayo na gumawa ng mabuti dahil tayo ay mga anak ng Hari. Tayo ay mananagot kung paano tayo nabubuhay ngayon. Balang araw ay tatanungin tayo kung naging tapat tayo sa kaloob ng kaligtasan at kaalaman tungkol kay Cristo Jesus at sa Kanyang salita. Kaya’t gumawa tayo ng mabuti, hindi para “makapunta sa langit” kundi dahil papunta tayo sa langit (Galacia 5:16).

 

Katotohanan: Ang pananampalataya kay Jesus lamang ang nagliligtas sa atin, at sa pamamagitan lamang ng Kanyang kapangyarihan ay maaari nating alisin ang mga diyus-diyosan at sumunod.
Pagsasabuhay: Magtiwala kay Jesus lamang para sa kaligtasan at pagkatapos ay umasa sa Kanya para sumuko at sumunod.

DISCUSSION QUESTIONS

(Para sa mga lider: Pumili ng mga tanong na nababagay sa antas ng spiritual maturity ng iyong mga members)

1. Ano ba ang inaasahan mong makuha para maging masaya? Nasa sentro ba ng pag-asa na ‘yan ang Diyos?

2. Ano ang dapat mong simulang gawin para ikaw ay matutong umasa sa Diyos at sa Kanyang kapangyarihan sa buhay mo?

3.Mayroon bang posibleng idol (diyus-diyosan) sa buhay mo? Kung oo, paano mo uunahin ang Diyos bago dito?

4. Sino ang pwede mong bahagian tungkol kay Jesus? Simulan mo silang ipagdasal!

Works
PRAY CARE SHARE IN ACTION

Ipanalangin ang mga mahal sa buhay na maranasan ang kaligtasan na kay Cristo.

Lumakad kasabay ng ibang tao sa kanilang paglalakbay sa pananampalataya.

Ibahagi ang ebanghelyo sa kapwa ngayong linggo.

WEEKLY PRAYER POINTS

I. Thanksgiving / Pagpapasalamat

• Sambahin ang Diyos kung sino Siya,kung ano ang Kanyang nagawa at gagawin sa ating buhay.

II. Country and the World / Ng Ating Bayan at ng Mundo

• Matuwid at moral na pangangasiwa ng mga manggagawa sa gobyerno; pagsisisi at kaligtasan ng mga lider sa gobyerno at mamamayan para sa Christ-centered na Pilipinas.

• Tulong at pagkalinga ng Diyos para sa mga tao ng Sudan na nahaharap sa karahasan at kaguluhan.

• Ang pagtapos ng digmaan sa Ukraine, mapigilan ang pagkawala ng buhay; huminto ang tensyon sa mga bansa sa Silangang Asya at Gitnang Silangan.

• Patuloy na ipanalangin ang ligtas na pagbabalik ng mga natitirang bihag sa Israel sa kanilang mga pamilya. Ipanalangin na magtapos na ang digmaan ng Israel laban sa mga terorista ayon sa layunin ng Diyos at para sa Kanyang kaluwalhatian.

• Ipanalangin na ang kamakailang kaguluhang pampulitika at panlipunan sa Estados Unidos ay magresulta sa espiritwal na paggising sa simbahan at isang dakilang espiritwal na ani.

III. Church / Ating Simbahan

• Na ang mga miyembro ng CCF ay mabigyang dangal ang Diyos at magpaparami ng mga disciples

• Mga Elders, Pastors, Leaders, at mga Pamilya

• Ang mga ministries, mga church satellites at mga home churches sa buong mundo.

IV. CCF Facilities / Mga Pasilidad ng CCF

• Worship and Training Center

• Prayer Mountain

V. Personal Concerns / Mga Personal na Alalahanin

• Ang paglalim ng ating relasyon sa Diyos.

• Matuwid na pamumuhay

• Ang kaligtasan ng ating mga kapamilya at mga kaibigan.

Memory verse

JEREMIAS 7:23
_ANG BIBLIA,2001

menu